
STATE OF THE CHILDREN ADDRESS
November 14, 2022- Hermosa, Bataan
STATE OF THE CHILDREN ADDRESS
Ayon sa bisa ng Republic Act No. 10661, ating pinagdidiwang ang National Childrens Month, sa taong ito ang Children’s Month ay may temang “Kalusugan, Kaisipan at Kapakanan ng Bawat Bata ating tutukan”
Tayo po sa Pamahalaang Bayan ng Hermosa katuwang ang ibat-ibang ahensiya tulad ng ating Women and Children Protection Desk ng PNP sa pamumuno ni PNP Chief Major Emerson Coballes, ang ating MSWDO, at MHO ay patuloy po ginagawa ang ating mga tungkulin upang maging ligtas laban sa pang-aabuso ng ating mga Kabataan at maitaas ang antas ng kabuhayan, kaalaman, at participation ng mga kabataan sa kasalukuyang kalalagyan ng ating pamahalaan.
Sa layunin natin na matutukan at mamonitor ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga Kabataan na edad 18 pababa, tayo po ay naglabas ng Executive Order, na-naglalayong magbuo ng isang committee at ito ay ang HERMOSA MUNICIPAL COUNCIL FOR THE PROTECTION OF CHILDREN, na binubuo ng mga miyembro mula sa ibat-ibang departamento ng Pamahalaang Bayan kasama ang mga national agencies, katulad ng DepEd, PNP, BFP, at ibang non-government offices, private schools at civil organizations.
Ang layunin ng Samahan ay proteksyunan ang ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa at serbisyo na nauukol sa 4 na pangunahing Karapatan ng mga bata. “Ang karapatang mabuhay, umunlad, maproteksyunan, at marinig ang kanilang tinig”.
Ang council, ay regular na nagpupulong upang magbalangkas ng mga programang makakatulong sa pagbibigay solusyon sa mga isyu, panganib para sa ating mga Kabataan, Pinalalakas din namin ang 23 Barangay Council for the Protection of Children upang maging katuwang natin sa pag-momonitor sa mga Kabataan sa kani-kanilang area of responsibility.
Isa sa mga pangunahing challenge sa ating mga Kabataan ay ang Information Technology na nagbibigay ng impormasyon sa ating mga Kabataan tama man o mali, mga impormasyon na kailangan nating bantayan dahil ito ang humuhubog sa isip at pagkatao ng ating mga kabataan at maging ng ating lipunan.
Ang ating POPCOM Officer ay patuloy sa paglulungsad ng mga TEEN INFORMATION CENTER sa mga Barangay, layunin po nito na mailayo sa mga bisyo ang ating mga kabataan at mahikayat na magkaroon ng mga positibo at produktibong mga libangan.
Ngayong taon, ang Lokal na Pamahalaan ng Hermosa ay naglaan ng 38 million para sa mga programang pambata at kabataan ng ating Pamahalaan, nakapaloob dito ang pondong 7 milyon ng MPCP na siyang pangunahing committee na nagpaplano ng mga programa para sa ating mga kabataan katulad ng ating ginaganap sa araw na ito. Naglaan po tayo ng 4.5 milyon para sa mga scholarship grant, sports development at sa Special Program for Employment of Student o SPES. Ang Local School Board ay may pondong mahigit kumulang sa 26 milyon na siyang ginagamit para sa pangunahing pangangailangan ng mga guro at mag-aaral sa ating Bayan. Dahil sa ating pagsusumikap sa katunayan pinaka mayaman na tayo sa unang distrito at pang 5 naman sa buong Bataan, pero pagdating sa edukasyon pangatlo tayo sa pinaka maraming nilalaan na pondo sa larangan ng edukasyon.
Sinisigurado po natin na ang lahat ng gastusin sa ilalim ng mga pondong ito ay nailaan ng may kaugnay sa pangunahing Karapatan ng mga bata.
Una rito ang SURVIVAL RIGHTS O KARAPATANG MABUHAY, at sa kauna-unahan sa ating bayan ay may dalawa na tayong doctor at libreng pang mga gamot sa mga pangunahing pangangailangan medical, ito ay ukol sa karapatang mabuhay nang malusog mula sa sinapupunan hanggang sa kanilang paglaki, naglaan din tayo ng pondo para sa animal bite, dengue, malaria, nutrition program, new born screening, at para sa anti-smoking campaign, mahigpit na nagpapatupad ng no smoking campaign sa ating bayan na malaking tulong para sa kaligtasan ng ating mga kabataan.
Pangalawa rito ang RIGHT TO SELF DEVELOPMENT O KARAPATAN MAPAUNLAD ANG SARILING KAKAYAHAN, ito ay sumasakop sa Karapatan na magkaroon ng magandang edukasyon at mabigyan ng sapat na oportunidad upang malinang ang galing at talentong mga bata. Sa ngayon ay mayroon tayong 30 DAY CARE CENTERS sa ating 23 Barangay na binubuo ng 1,150 DAY CARE CHILDREN. Pinagsikapan po nating maiayos ang lahat ng ating Day Care Centers upang sa murang edad ay malinang ng maayos ang kanilang pag-iisip at magpatuloy ang kanilang pag-aaral sa 21 na pampubliko at pribadong sekondarya ng ating bayan. Mayroon po tayong kabuuang 11, 286 enrollees sa elementarya at 5,129 naman sa high school.
Pangatlo rito ang PROTECTION RIGHTS O KARAPATANG MAPANGALAGAAN, dapat silang mapangalagaan ng kanilang magulang, ng komunidad at ng ating Pamahalaan upang mamuhay sila nang ligtas at may mapayapang kapaligiran. Nakaka-alarma dahil may mga kaso ng nakawan kung saan nasasangkot din ang mga kabataan kasama ang mga may edad. Nakakalungkot din dahil mayroon din kaso na ang mga magulang ay hindi magkasundo at nagkakaroon ng usapin patungkol sa kustodiya ng mga anak. Pinaka nakakalungkot ang pagkakaroon ng kaso patungkol sa pang-aabuso sa mga bata, pisikal, emotional, o sexual man gayundin ang early marriage at teenage pregnancy.
Sa pakikipagtulungan ng MSWDO at POPCOM sila ay may programang Learning Packages on Parent Education on Adolescent Health and Development upang maiwasan ang ganitong mga suliranin sa mga bata.
Ang ating mga DAY CARE WORKERS ay buwanan para sa PARENT EFFECTIVENESS SERVICE SEMINAR sa mga magulang ng mga batang naka enroll sa mga Day Care Centers, ang seminar ay layong maturuan ang mga magulang ng kanilang mga responsibilidad at ang mga Karapatan ng mga bata.
Pang apat ay ang PARTICIPATION RIGHTS O KARAPATANG MAIPAHAYAG ANG SARILI, ito ay karapatan ng mga kabataan na makilahok sa mga Gawain ng pamahalaan, maging iba pang sector na may kinalaman sa mga bata.
Sa ilalim ng mga programa ng DepEd at SK ay nalilinang at nadadagdagan ang kaalaman ng ating mga kabataan. Sa paaralan nila madalas naipapamalas ang kanilang mga galing kapag dating sa talent at maipahayag ang kanilang sarili. Maraming Salamat sa magagaling, magigiting nating mga guro
Para sa MPCP, napakahalaga ng boses ng kabataan kung kaya mayroon din tayong kasamang child representative upang masabi nila at maipahayag ang panig ng mga kabataan.
Ako po bilang Chairman, sampu ng bumubuo ng MCPC, ay patuloy na magsusumikap upang lalong mapaigting ang pagtataguyod ng mga programang pambata, Ito ay ating tungkulin bilang magulang, lingkod bayan, bilang mamamayan. Sa ating MPCP Committee, Maraming Salamat po! Mabuhay po kayo!
Sama-sama sa patuloy na paglipad ng Bayan ng Hermosa!
#LipadHermosa🚁
#1Bataan☝️