Skip to main content

STATE OF CALAMITY SA BATAAN

Sa bisa ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 365, Series of 2026, isinailalim sa State of Calamity ang Lalawigan ng Bataan ngayong August 20 dahil sa malawak na pinsala at patuloy na epekto ng Habagat nitong mga nakaraang linggo, pati na rin ang tuluy-tuloy na pag-ulan at malalakas na hanging dala ng mga Bagyong Luis at Maymay nitong mga nakaraang araw.
Partikular na nakaranas ng mas mataas na antas ng pagbaha ang ilang mababang lugar at flood-prone communities, kabilang ang mga bahagi ng Hermosa, Dinalupihan, at Mariveles.
Dahil dito, may mga pamilyang kinailangang lumikas upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya.
Mahalaga din pong linawin na hindi lahat ng bayan sa lalawigan ay nakaranas ng matinding pagbaha. Sa malaking bahagi ng Bataan, karamihan sa mga barangay ay nakaranas lamang ng minor o mababaw at panandaliang pagbaha.
Gayunman, hindi lamang ang mga lugar na nakaranas ng malalim na baha ang naapektuhan. Sa maraming bahagi ng Bataan, kahit mababaw at panandalian lamang ang pagbaha, malaki pa rin ang naging epekto sa kabuhayan at kita ng ating mga kababayan—kabilang ang mga mangingisda, magsasaka, transport workers, construction workers, maliliit na negosyante, at iba pang umaasa sa arawang kita.
Sa kabuuan, ang epekto ng kalamidad ay hindi lamang nasusukat sa lalim ng baha o lawak ng pinsala sa ari-arian. Nararamdaman din ito sa bawat araw na nawawala ang kita at pagkaantala ng kabuhayan ng ating mga pamilya.
Agaran ang naging pagtugon ng ating pamahalaan upang maibsan ang panganib at paghihirap ng ating mga kababayan. Sa ilalim ng State of Calamity, mas mapapalakas natin ang disaster response at mapapabilis ang pagbibigay ng kinakailangang ayuda, assistance, at suporta sa mga pamilyang lumikas, mga naapektuhan ng pagbaha, at mga sektor na naapektuhan ang kabuhayan.
Makakatulong din ito upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa pagbangon at rehabilitasyon ng ating mga komunidad, kabilang ang pagtugon sa mga pinsala sa imprastraktura, kabahayan, kabuhayan, at iba pang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan.
Mahalaga rin ang State of Calamity upang maisagawa ng pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang sapat at abot-kayang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, at mapalakas ang kapasidad ng ating mga lokal na pamahalaan sa pagtugon, pagbangon, at paghahanda para sa mga susunod pang kalamidad.
Sa panahong ito, higit nating kailangang magtulungan. Patuloy nating bibigyang-prayoridad ang kaligtasan ng bawat pamilya, agarang pagtugon sa mga nangangailangan, at pagtulong sa ating mga kababayan na makabalik sa kanilang mga tahanan at maibalik ang kanilang kabuhayan sa lalong madaling panahon.
Patuloy po tayong mag-ingat. Ugaliing makinig at sumunod sa mga abiso ng ating mga awtoridad, lalo na habang nagpapatuloy ang tag-ulan. Huwag nating hintayin na lumala ang sitwasyon bago kumilos.

Click here: https://www.facebook.com/share/p/17PDJwXb4s/

Official Website of Municipality of Hermosa