
Mahalagang Paunawa: Checkpoints sa Bataan Maghihigpit Simula September 14, 2020
Noong magdeklara ang national IATF na isailalim sa GCQ ang Metro Manila at mga karatig-pook, kabilang na ang Bataan, naging hudyat ito upang unti-unting magbukas ang ekonomiya.
Nagkaroon ng pagluluwag sa mga patakaran sa pagpapauwi ng mga Authorized Persons Outside of Residence o APOR at Locally Stranded Individuals o LSIs, kasama na rin dito ang mga Returning Overseas Filipinos na kinabibilangan ng mga OFWs at seafarers.
Ang pagdating sa Bataan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa iba’t-ibang lugar ang nagsilbing ugat ng local transmission sa mga barangay at patuloy napag-akyat ng bilang ng mga confirmed cases ng COVID-19.
Bilang agarang tugon sa pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa ating Lalawigan, pinirmahan po ng inyong lingkod ang IATF Resolution No. 19 s2020 na magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga checkpoints papasok sa Bataan simula sa ika-14 ng Setyembre sa pamamagitan ng paghingi ng mga karagdagang dokumento mula sa mga APOR, LSI at ROF.
Kailangan po nating pababain ang kasalukuyang bilang ng apektado ng COVID-19 upang hindi na lumawak ang pinsalang dulot nito at mas mabigyan din natin ng kapahingahan ang ating mga health workers.
Hinihingi ko po ng inyong lingkod ang pakikiisa ng lahat hinggil sa paghihigpit na naglalayong mas masiguro na hindi na kumalat pa ang virus sa ating Lalawigan dulot ng mga nagpapabalik-balik nating mga kababayang Authorized Persons Outside of Residence o APOR.
Naiintindihan ko po na sa panahon ng pandemyang kinakaharap natin ngayon ay nais nating makasama ang ating mga mahal sa buhay ngunit hinihingi din po ng pagkakataon na mas lawakan pa natin ang ating pang-unawa sapagkat ito po ay ginagawa ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan hindi lamang ng inyong mga pamilya kundi ng lahat ng mga Bataeno.
May mga pagkakaiba-iba po ang mga dokumentong hihingin, depende sa inyong kategorya bilang APOR, LSI o ROF, kung kaya’t iminumungkahi na basahin ang kabuuan ng Resolution.
llan sa mga kailangang paghandaang dokumento ay ang mga sumusunod:
☑️ 1. Negative RT- PCR test kasama ang contact details ng klinika o hospital na nagsagawa nito
☑️ 2. Medical certificate galing sa Municipal o City Health Office ng pinanggalingang lugar
☑️ 3. Return to Work Order o Call to Work Order
☑️ 4. Valid ID
☑️5. Certificate of Employment
Mahigpit pong pinaaalalahanan ang ating mga kababayang uuwi sa Bataan na paghandaan ang mga dokumentong kailangang ipakita sa checkpoint.
Hinihingi ko po ang inyong malawak na pang-unawa sapagkat hindi po kakayanin ng ating Lalawigang harapin ang krisis na ito na wa lang pakikiisa ang mga mamamayan.
Muli, ibayong pag-iingat po para sa lahat.